Monday, July 5, 2010

070610 - Tsismosang Tagapagbalitang Tigyawat (TTT)

Sa mga bagong mambabasa, para maintindihan ang kwento basahin muna ang:


022510 - Buhay ka pa. Lol




July 06, 2010
                Enjoy na enjoy siya sa pagsipsip sa akin, hinahayaan ko lang. Hindi masarap, pero nakakakiliti. Siguro siya nasasarapan, dahil napapalipad siya sa sarap. Ok, tapos na ang tulala moment, let me kill this fly. Swap! Clap! Tik! Pak! Masyado siyang mabilis. Forget it! Ininiregalo ko na sa kanya ang ikalawa niyang buhay. Pagkatapos niyang sinipsip ang napisa kong tigyawat, iniwan akong di man lang nagpapasalamat. Alam niyo ba yung lumalabas na kulay puti sa tigyawat? Yung malambot na kulay puti na kapag minsan may halong red, dahil sa dugo? Naubos iyon ng lintik na langaw. Hindi naman nakakamatay iyon, yun yung mga dinurog na maning kinain ko, napunta sa mukha. Hindi totoong lahat ng kinakain natin sa tiyan at sa inodoro napupunta, meron ding napupunta sa mukha, kagaya ng peanut butter, mga cream, nilagang mani, adobong mani, taba ng baboy, cheese bread, sesame seed at marami pang iba. Iyong mga black heads sa ilong natin, yun yung mga adobong mani na may balat. Matigas ang mga black heads at kapag idinikdik mo ito gamit ang iyong kuko, ang laman nito ay kagaya lang ng laman ng sesame seed. Sarap na sarap ako tuwing may mailalabas akong sesame seed sa ilong at lalong nakakatuwa tuwing nangangati ang ulo ko at may nakakapa akong nanigas na balakubak tapos kukunin ko sa mahaba kong kuko, parang isang achievement, nakakuha ako ng isang makapal na balakubak ngayong araw na ito. Speaking of balakubak, kailangan ko ng maligo at papasok pa ako sa lugar na pinagkukunan ko ng yaman, ang opisina.
                Ang opisina namin ay may iba’t-ibang codename, minsan tinatawag itong selda, katapusan, pressure, kalbaryo at ang hindi ko maintindihan, impiyerno. Ako lang yata ang itinuturing na magandang bagay ang opisina, kahit na demonyo ang tingin ko kay chicken. Ngayon ko lang narealize na kaya siguro tinatawag na impiyerno ang opisina ay dahil na rin may demonyo. Ang daming mga Pilipino ang nagrereklamo sa trabaho nila, pero noong wala silang trabaho, kahit kay Pedro napapadasal sila, magkatrabaho lamang.
                Hindi mabubuo ang pagpasok ko sa trabaho kung hindi ako sasakay sa jeep. At siyempre nakakasawa na ang eksena sa jeep, wala akong magagawa, para sa akin, ito ang pinaka-highlight ng araw ko, at highlight na highlight kung papalaring makapamboso. Si Anime, mas magiging madalas ko pang makasakay si tsismosa number 1 at si tsismosa number 2 kaysa sa kanya, dahil di na muna siya papasok. Napakadaldal nila, ang sarap lagyan ng  isang kilong antik na langgam sa bibig. Wala namang kwenta ang pinag-uusapan nila, si Margarita daw nakabili ng DVD sa halagang 800 at may libreng mic pa, samantalang meron pa siyang utang na ‘di nababayaran. Si Lita daw natututo ng gumamit ng Nokia 3310 at sigurado daw kaya niya ito pinag-aaralan ay may kalampungan daw siyang nasa ibang bansa, kalilibing lang ng asawa kahapon. Ang dalawang tsismosang laging updated sa mga nangyayari sa aming maliit na Barangay, sila ang tagapagbalita, at hindi sila nagkakamali sa kanilang pagsasalita, mas professional pa sila sa pagbabalita kaysa kay Mike Enriquez. Kahit tsismosa sila, binibigyan nila ng chance ang bawat isa na makatapos sa pagsasalita, bago hihirit. Si Mike Enriquez kasi, parang hindi nakikinig sa tinatanongang reporter, habang nagsasalita ang kausap na reporter, iniisip na niya ang kasunod na tanong.  Parang ganito: (example lang)
Maki: “Ah Mike, bale si Pangulong Noynoy ay pumasok na sa palasyo at ang...”
Mike: “Ah, Maki... Maki...”
Maki: “Oo Mike”
Mike: Nakapasok na ba sa palasyo si Pangulong Noynoy?
Maki: “Oo Mike, bale nakapasok na siya sa Palasyo”
Siguradong iniisip ng reporter na “Kasasabi ko lang eh, hindi ka kasi nakikinig eh!”. At nakarating rin sa opisinang kinatatakutan ng iba. 

Thursday, July 1, 2010

032110 - 070210 Vinegar Election Edition at Bakasyon sa likod ng bahay namin

March 21, 2010 hanggang July 2, 2010
                Walang mahalagang naganap sa buhay ko, maliban na lamang sa muntikan kong pagkakapanalo ng lotto. Minsan lang akong tumaya sa lotto palpak pa, kung sanang sa 6/49 ako tumaya, milyonaryo na ako. Ang itinaya kong numero sa 6/45 ay lumabas sa 6/49. Napansin kong ang papel ng lotto ay kagaya ng papel na ginamit noong eleksiyon. Parehong machine rin ang pinapasukan, iyon nga lang, walang kopyang makukuha sa PCOS machine, at lalong walang premyong makukuha. Kahit wala pang premyo atleast daw nagawa ng isang Pilipino ang kanyang tungkuling tuwing eleksiyon. Naalala ko nang bumuto ako, halos tatlong oras akong naghintay para lang makaboto, kalahating oras naghintay sa maling pila ng mga taong bumibili ng suka. Parang fiesta rin ang election sa aming barangay, may mga vendors sa labas ng paaralan at may iba’t-ibang produkto ang ibinebenta na hindi mabibili sa ordinaryong araw lamang, isa na rito ang nagbebenta ng suka, isang gallon ng suka sa halagang 30 pesos, Vinegar Election Edition. May mga nagtitinda rin ng mga sisiw na kinulayan para sa mga botanteng isinama ang mga anak para ipangdisplay sa mga kakilala. Naging reunion din ang election day sa amin, kitang kita ang mga magkukumpare at magkukumare na nagtipon-tipon para magpayabangan sa kasalukuyan nilang buhay. May mga bumibili rin ng boto na tanging ang boto ko lamang ang ayaw bilhin, siguro dahil may ink na ang kamay ko nang sinubukan ko itong ibenta.

                Bakit hindi ako sumulat ng talambuhay ko ng halos apat na buwan? Dahil apat na buwang nagbakasyon si Anime, saan? Hindi ko alam, ang tanging alam ko lamang ay ang kanyang pagbabalik. March 22, nang pumunta ako sa kanila, malakas na ang loob ko para sabihin sa kanya na, napakaganda niya at siya lamang ang aking minahal na babaeng ka edad niya, yung iba kasi hindi niya ka edad. Malakas na rin ang loob ko na sabihin at itanong kung crush niya rin ako, kasi crush ko siya. Kagimbal-gimbal na balita ang sumalubong sa akin, kaya naman hindi ko na naisulat ang mga pangyayari noong araw na iyon, ilang buwan bago ako nakapagrecover sa masamang balita na nagbakasyon muna siya. Kahapon ko rin lang nalaman na nagbakasyon pala siya sa pag-aaral, huminto muna siya dahil siya ang magbabantay sa lola niya. Lola pala niya si Lola Karing, isang matandang nasa likuran lang ng bahay namin. Sa loob ng ilang buwan, kahapon ko lamang nakitang lumabas si Anime sa bahay ng lola niya, kaya kahapon ko lang rin nalaman ang buong kuwento ng pagbabakasyon niya sa likod ng bahay namin.  Isang malaking pagkakataon na sana iyon para maging close kami at magpakasal, na nauwi naman sa ilang buwan kong depresyon. Kahapon ko rin nalaman na babalik na siya bukas sa bahay nila.

NEXT

070610 - Tsismosang Tagapagbalitang Tigyawat (TTT)