March 21, 2010 hanggang July 2, 2010
Walang mahalagang naganap sa buhay ko, maliban na lamang sa muntikan kong pagkakapanalo ng lotto. Minsan lang akong tumaya sa lotto palpak pa, kung sanang sa 6/49 ako tumaya, milyonaryo na ako. Ang itinaya kong numero sa 6/45 ay lumabas sa 6/49. Napansin kong ang papel ng lotto ay kagaya ng papel na ginamit noong eleksiyon. Parehong machine rin ang pinapasukan, iyon nga lang, walang kopyang makukuha sa PCOS machine, at lalong walang premyong makukuha. Kahit wala pang premyo atleast daw nagawa ng isang Pilipino ang kanyang tungkuling tuwing eleksiyon. Naalala ko nang bumuto ako, halos tatlong oras akong naghintay para lang makaboto, kalahating oras naghintay sa maling pila ng mga taong bumibili ng suka. Parang fiesta rin ang election sa aming barangay, may mga vendors sa labas ng paaralan at may iba’t-ibang produkto ang ibinebenta na hindi mabibili sa ordinaryong araw lamang, isa na rito ang nagbebenta ng suka, isang gallon ng suka sa halagang 30 pesos, Vinegar Election Edition. May mga nagtitinda rin ng mga sisiw na kinulayan para sa mga botanteng isinama ang mga anak para ipangdisplay sa mga kakilala. Naging reunion din ang election day sa amin, kitang kita ang mga magkukumpare at magkukumare na nagtipon-tipon para magpayabangan sa kasalukuyan nilang buhay. May mga bumibili rin ng boto na tanging ang boto ko lamang ang ayaw bilhin, siguro dahil may ink na ang kamay ko nang sinubukan ko itong ibenta.
Bakit hindi ako sumulat ng talambuhay ko ng halos apat na buwan? Dahil apat na buwang nagbakasyon si Anime, saan? Hindi ko alam, ang tanging alam ko lamang ay ang kanyang pagbabalik. March 22, nang pumunta ako sa kanila, malakas na ang loob ko para sabihin sa kanya na, napakaganda niya at siya lamang ang aking minahal na babaeng ka edad niya, yung iba kasi hindi niya ka edad. Malakas na rin ang loob ko na sabihin at itanong kung crush niya rin ako, kasi crush ko siya. Kagimbal-gimbal na balita ang sumalubong sa akin, kaya naman hindi ko na naisulat ang mga pangyayari noong araw na iyon, ilang buwan bago ako nakapagrecover sa masamang balita na nagbakasyon muna siya. Kahapon ko rin lang nalaman na nagbakasyon pala siya sa pag-aaral, huminto muna siya dahil siya ang magbabantay sa lola niya. Lola pala niya si Lola Karing, isang matandang nasa likuran lang ng bahay namin. Sa loob ng ilang buwan, kahapon ko lamang nakitang lumabas si Anime sa bahay ng lola niya, kaya kahapon ko lang rin nalaman ang buong kuwento ng pagbabakasyon niya sa likod ng bahay namin. Isang malaking pagkakataon na sana iyon para maging close kami at magpakasal, na nauwi naman sa ilang buwan kong depresyon. Kahapon ko rin nalaman na babalik na siya bukas sa bahay nila.
NEXT
NEXT
No comments:
Post a Comment