Late man akong nakarating sa trabaho, pansin na pansin ng mga katrabaho ko ang aking paa, siguro mas maputi ang mga paa ko sa kanila at mas malinis ang mga kuko. “Ayos ang sandals ha! Crocs!” at doon ko lang nalaman na ang sikat pala ay ang tsinelas hindi ang mga paa ko. Apat o tatlong tao ang nagsabing “Wow Crocs!” at anim ang nagtanong na “Original ba yan?”. Hindi ko alam kung anong meron sa tsinelas na ito, pero pakiramdam ko, sikat ka talaga kapag meron ka nito. Pati ang kay boss Chicken ay ‘di nakaligtas ang mga tsinelas na ito, “Aba !, mukhang ibinuhos mo ang apat na araw mong sahod sa mga tsinelas mo ha?”. Apat na sahod? Ibig sabihin lumalampas ito ng isang libo? Ang tsinelas na ito ay tumitimbang ng isang 2nd hand gameboy advance na ‘di ko mabili-bili? Ang tsinelas na ito ay kaya ng bumuhay ng isang naghihirap na pamilya sa loob ng isang Linggo? Ganoon kamahal ang tsinelas na ito? At may mga taong bumibili naman? Ang dami kong tanong, pero hindi tama ito. Sa Beach Walk nga na halos pitong beses na mas mahal sa mga ordinaryong tsinelas ay halos ikamamatay ko kung bibilhin ko, tapos itong tsinelas na ito na halos 90x o mas higit pa na mahal kaysa sa tsinelas kong isinusuot sa bahay. Ano na nga ba ang nangyayari sa mundo ngayon? Bakit parang nababaliw na ang mga tao. Tsinelas na halagang lampas libo!? Niyuyurakan lang ng mababahong paa? Sa bagay nabalitaan ko nung minsan na may mga artistang may mga bag na nagkakahalagang Milyong Piso, Hindi ako mapanghusga, pero ang taong bibili ng bag sa halagang milyon ay hinihintay na ni Satanas sa impiyerno. Tao pa ba ang mga iyon o halimaw na? Bag isang milyong piso? Samantalang ang dami-daming namamatay sa gutom dito sa Pilipinas. Isipin mo na lang kung katanggap tanggap ba ang sa Diyos ang isang taong bibili ng bag sa halagang Milyon? Kahit hindi ako gaanong nagbabasa ng bibliya, narinig ko na minsan, na si Jesus daw ay sinabi sa isang mayamang nagtanong kung papaano siya maliligtas, at ang sabi ni Jesus ay “Ibenta mo lahat ng ari-arian mo at sumama ka sa akin.” Nalungkot ang isang mayaman at umalis at sinabi ni Jesus “Sinasabi ko sa inyo, na mas madali pa sa isang Kamelyo ang makapasok sa kaharian ng Diyos kaysa sa isang mayaman”. Totoo iyon, at dapat mabasa iyon ng mga taong kagaya ni Manny Villar, Bill Gates, Warren Buffett at ni Kris Aquino na may bag na nagkakahalagang milyon. Kay Jesus walang halaga ang bag na iyon, magkakaroon lamang ng halaga kung ibebenta ito ni Kris at magpatayo ng isang bahay na maaring tirhan ng mga taong natutulog sa lansangan, o kaya naman ay i-donate na lang sa akin. Humahabol pa namang presidente ang kapatid niya, hindi ba napakagandang balita noon? Si Noynoy kinausap si Kris na ibenta ang mamahaling bag at ibahagi sa mga mahihirap ang kinitang pera.
Natutuwa naman ako kay Noynoy at Roxas, dahil sa patalastas nila sa TV tungkol sa daang matuwid, panigurado lamang na hindi na magmumura si Roxas dahil matuwid na daang tinatahak. Napakaganda ng mga pangako ng mga humahabol na Presidente ngayong 2010, kaya sana manalo silang lahat at gawin ang mga ipinapangako nila. Tutuwid lahat ng daan ayon kay Aquino na siya namang pagsara ng lahat ng palikong daan at mga kanto, hindi kaya magiging matraffic non? 'Di bale nandiyan naman si Bayani. Anim na taong walang corruption, ibig sabihin anim na taong wala tayong mga leader dahil iyon lang ang paraan para mawala ang corruption. Babalik lahat ng mga JEJEMONS sa elementary at tiyak na mapupuno ang mga mababang paaralan at magkukulang ang mga ito. Matatapos na ang kahirapan, dahil sa isang Diyos si Villar na kayang tapusin ang kahirapan. Hinahayaan ng Diyos na magkaroon ng kahirapan para matuto tayong lumapit sa kanya, at iyon ang tatapusin ni Villar. Hindi ko lang alam kung ano ang pakay ni Erap sa kanyang paghabol, pero tinitiyak kong unang-unang mawawala si Chavit kapag si Erap ang nanalo, ikalawa ang pagiging open casino ng Pilipinas.
NEXT
NEXT
No comments:
Post a Comment