Monday, May 3, 2010

March 18, 2010 - YES! YES! YES! Late ako! (Edited)

Kasal pala ng ate niya. Mabuti na lang at ate niya ang ikakasal, kung hindi siguradong may maglalamay sa amin mamayang gabi. Gayunpaman, malaki pa rin ang problema ko, dahil may kasama siyang lalaking lamang ng sampung libong paligo sa akin. 80% sure ako na nanliligaw iyon at 20% sure na syota na niya 'yon, teka pangit yata ang salitang syota para sa kasing-ganda ni Anime, Ok sige 20% sure akong BF niya iyon. Ang syota kasi parang kasing tunog ng Short Time at salitang kanto, wala naman kasi ako sa kanto ngayon, nasa opisina. Sayang lang ang itinurong closed-open sa akin ng aking ina kung hindi mapapasa-akin si Anime. Ngayon ko lang naisip na ang mga sanggol na Pinoy ay English ang unang talento at salita ang unang nalalaman. Ang closed at open ay salitang english ng sara at bukas, sa mga kakilala kong may baby wala pa naman akong nakikitang nagtuturo sa baby nila ng sara-bukas-sara-bukas, ang madalas ay closed-open-closed-open. Ang closed-open ay itinuturo sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbukas at pagsara ng kamaho habang sinasabi o kinakanta ang closed-open, closed-open. Kung pagmamasdang mabuti ay mali pa rin ang kanilang pagtuturo, dahil hindi magkatugma ang kamay at ang salita, nagsisimula sila sa closed pero pagmasdan mo man ang kamay nila ay hindi sumasabay sa pattern, Open pero nakasara, closed pero hindi pa tuluyang nakaclosed, closed pero naka-open. Mabagal ang kanta o pagbigkas ng closed open at ang bilis ng kamay kaya dapat para magsabay ng tama, dapat ay closing-closed-open.

March 18, 2010

Huwebes, araw ng paglilinis ng kuko ko sa paa. Araw din para masubukan ko ang regalong crocs ng taong hindi ko na alam kung magiging future mama ko. Simple lang akong maglinis ng kuko, nail cutter at inaalis ang hacienda ng mga bacteria sa singit ng mga malaki kong kuko sa paa, natitiyak kong karamihan sa atin ay alam ang amoy ng haciendang iyon, kahit mabaho, curious pa rin tayong amoyin, dahil sariling atin naman iyon eh. Pasakay na ako ng jeep na hindi umaasa na makakasakay ko ang babaeng nagbigay ng isang malaking suliranin kahapon sa akin, pero nakasakay ko. Wala akong karapatang magtampo sa kanya dahil unang-una hindi pa talaga ako siguradong boyfriend niya ang nakita kong kasama niya kahapon, ikalawa hindi ko naman siya girlfriend at ikatlo hindi pa niya inaamin na crush niya rin ako. Napansin niya ako, ok. Napansin ko siya, deadma. Cold treatment! Isang dambuhalang tao ang pagitan namin. Hindi na mahalaga sa akin ang pagbaba ng dambuhalang ito, ayaw ko munang makatabi si Anime, dahil parang 'di rin niya ako napansin kaninang pagsakay niya, pekeng pansin lang kung baga. Wala akong magagawa dahil bumaba rin ang dambuhalang halimaw na katabi ko, katabi ko na si Anime. Deadma pa rin. Napatingin siya sa kanang bahagi at "Hi, Kuya! kumusta ka na? nagbayad ka na ba?. Uminit bigla ang buo kong katawan kasama na ang cold treatment na biglang natunaw. "Ay hindi pa, ako na lang ako na lang!" Kunwari bumubunot ako sa bulsa pero nahihirapan sa pagbunot kahit alam kong wala naman akong binubunot. Naging masaya ang pagkukwento niya at ako naman ay patuloy na nag-iisip kung paano ko ipapasok ang tanong kung may boyfriend na siya, hindi ko na rin itatanong kung ang boyfriend man niya ay yung kahapon. "Haha, oo nga eh" hindi ko alam kung bakit ako biglang nagsalita ng "oo nga eh!" na may halong tawa. "Ang kapatid ko ay may girlfriend na ka-edad mo lang" kahit wala akong kapatid na babae, hindi ko maintindihan kung bakit nasasabi ko ang mga sinasabi ko, ang layo sa pinag-uusapan namin. Buti na lang at ok lang ang mga sagot niya na puro "Ay ganoon?", "Oo nga!", "Buti pa siya meron na.", "tama" at "hmmmmm". Teka saang sagot ba ang "Buti pa siya meron na"? parang nalalapit ang sagot na iyon sa sinabi kong "Ang kapatid ko ay may girlfriend na ka-edad mo lang". Tahimik sa jeep nang bigla kong masabi ang "YES! YES! YES!" sa sobrang tuwa. Nakatawa lang si Anime at tinanong sa akin kung napaano daw ako, "Wala lang masaya lang ako kasi, wala ka pang... (napatigil ako). "Wala pa akong...?" dugtong pa niya. "Ay dito na lang ako, para po! para po!" biglaan kong pagbaba, lagot ang layo pa nito sa trabaho ko. "Ingat!" nag-aalalang sabi sa akin ni Anime. Malelate ako pero ok lang, nakalusot naman ako kay Anime, at nalaman ko na wala siyang boyfriend.

NEXT

031810 - Crocs

No comments:

Post a Comment