NEXT
Monday, April 12, 2010
Untitled
“Maraming salamat kuya! Di ba jeepmate kita?” matamis na boses galing kay Anime,Napakatalino talaga ni Anime may natutunan nanaman ako; Jeepmate pala ang tawag sa mga nakakasakay ko sa jeep. Salamat saan? Tanong ng isip ko. “Ah ok lang yon.” Kahit hindi ko alam kung para saan ang pasasalamat niya. “Dinampot ng kasama niyang lalaki ang hawak na cellphone ng lalaking kamukhang kamukha ni Pugak na nakatulog dahil sa lakas ng pagkakabagsak ko sa kanya. Kinapa ang kanyang bulsa at kinuha ang isang maliit na tela na puno ng mga tawas na buo buo. Unti-unti kong nararamdaman ang mga sugat ko sa paa pero nawawala ang sakit tuwing titignan ko si Anime at ang tambok ng kanyang puwet. Lumayo sa amin ang lalaking kasama niya at tumawag siya sa kanyang cellphone. Ilang minuto pa at dumating ang mga pulis upang iposas ang taong walang malay na tiyak na kahit may malay pa ay wala ring kalaban laban, kahit bigyan pa siya ng machine gun ay di niya rin mabubuhat sa dating ng kanyang katawan, isa pa anong laban niya sa isang batalyong pulis na dumating na kung magsitakbo ay parang susugod sa World War II. Parang sa mga napapanood ko sa TV, yung mga pulis na kung makatakbo sa harap ng camera at sa tabi ni Mike Enriquez para bang sila ay huhuli ng isang lasing na Godzilla; samantalang sa katapusan ng balita ay malalaman mo na lang na ang hinuhuli lang pala nila ay isang manok na nakapatay ng dalawang Guinea Pig. “Noon pa alam kong ang lalaking iyon ang nagnanakaw sa mga damit namin at ngayon pinasukan ang bahay namin, buti at nahabol mo siya at nakuha namin ang mga diyamante ni Mama at ang cellphone ko na regalo pa ni Papa” Kwento ni Anime, diyamante pala ang mga tawas na iyon. At ipinagpatuloy pa niya ang kwento niya pero sa puntong ito ang tanging narinig ko lamang sa limang minuto niyang kwento ay “... tara kuya kain ka muna!”. Dahil sa walanghiya naman ako at gustong gusto kong sinusulyapan ang puwet ni Anime pinagbigyan ko siya sa halok niya. Pumasok ako sa bahay nila na may sapatos na gawa sa tinik ng makahiya. Pinakain nila ako ng Mama at Papa niya at si Anime naman ay umakyat para magpalit ng damit. Habang wala ang pinakamamahal kong babae, binanatan ko ang isang stateside na Pan at stateside na palaman. Actually hindi ako sigurado kung stateside ang pan at palaman na iyo pero masarap siya kumpara sa Putok Bread at sa Pan na binebenta sa bakery. Gardenia. Ayon! Gardenia ang pamagat ng Pan na iyon. Stateside talaga kasi yung kulay ng label niya ay kakulay ng bandila ng america. At ang palaman ay lasang lasa. Ganyan dapat ang namamalaman sa mga tinapay, yung tipong bawat kagat ay may pinupunasan ka sa mesa dahil nahuhulog yung mga sobra sobrang palaman. Tayo kasing mahihirap, mahirap na nga nagsasayang pa ng palaman, anong kwenta ng tinapay na may tinipid na palaman? Nalalasahan mo ba ang palaman sa sobrang tipid? Iyong mauubos na ang palaman ay di mo pa rin alam kung ano ang lasa, kung keso ba siya o mantikilya. Iyon ang pagsasayang. Pinagtimpla ako ng kape ni Mama (Mama ko na siya dahil palagay ko iibigin na ako ni Anime at papayag na akong pakasalan siya). Matatawag ko na ang kapeng itinimpla niya sa akin na isang Cup of Cream dahil mas marami ng tatlong beses ang Cream kaysa sa kape. Ganyan magkape ang Pinoy kundi mas marami ang asukal, mas marami pa ang cream at ang kape mismo ay parang di man lang nag eexist sa tinimplang kape. Kung ano ang mas marami iyon dapat ang itawag sa tinimpla, kung marami ang asukal Cup of Sugar dapat. Itutuloy sa bahay...
NEXT
NEXT
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment