March 6, 2010
“Ti ti ti ti ti tit” 10x. Ang ingay ng alarm phone. Hindi na uso ang mga alarm clock dahil ang mismong mga cellphone ngayon ay may sarili ng alarm. Tumawad ako ng 10 minutes sa naka-set kong alarm, sobrang sarap matulog. Snooze! 10 minutes na agad ang lumipas! Isa pa. 5 mins. Parang biglang may malaking kalamidad ang nangyari. Bihis at wala ng toothbrush toothbrush, ligo, almusal at salamin. Diretso sa terminal ng tumatakbo. Umagang umaga pawis na pawis ako. Sana ‘di ko makakasakay si Anime dahil wala ako sa postura ngayon. Dalawa na lang ang kulang at aalis na. Sumakay si Mang PBA at ang kasama niya kaya hindi masasaksihan ni Anime ang kalahating version ng pagkapogi ko. Habang lumilipad ang mala-BTX* naming jeep, napatingin ako sa salamin. May guhit ang damit ko sa bandang balikat, litaw ang mga sinulid. Baligtad na naman. Kawawa naman si Mr. Clean ‘di lumitaw ang pagkakalbo niya dahil sa pagmamadaling ito. Sa bagay magmula ngayon kahit anong gawin ko ‘di na dapat ako mahiya dahil hindi rin naman ako nabubuhay at isa lamang akong ilusyon. Naririnig ko kasi ang usapan ng katabi kong isang oras na lang at magiging senior citizen na, kausap ang isang lalaking kulu-kulubot na ang balat na “Life Begins at 40” daw. Kaya kung under 40 years old ka, hindi ka pa buhay, isa ka lang kaluluwa na nakikita ng mga taong 40-1000 years old. Siguro para sa iba mga fetus lang tayo. Ang saklap naman, kapag 40 years old mo pa lang daw mararanasan ang tunay na buhay. Ano bang meron sa 40 na ‘yan? Dahil ba nakakahiya ka ng magkaanak kung babae ka at mahirap ka ng makakita ng mga 18-20 years old na chicks kung lalaki o dahil 40 days and 40 nights si Noah sa kanyang arko?
Tunay na buhay. Kahit sa mga wala pang 40 years old naririnig ko rin yan sa mga may asawa na, kapag may asawa ka na daw doon mo pa lang mararanasan ang tunay na buhay, tapos pag nag-asawa ka naman tsaka nila sasabihin na kapag nagka-anak ka daw doon mo pa lang mararanasan ang tunay na buhay. Ang daming mga taong namatay na peke lamang ang buhay, di nila naranasan ang totoong buhay, pirated na buhay to. Hindi ko rin malaman kung kailan ako naging bata at tumanda dahil noong grade 4 ako naalala kong madalas akong magkape at sinasabihan ako ng tatay ko na ang bata ko pa lang daw bakit ang takaw ko sa kape, pero naalala ko rin noong grade 3 ako na mas bata pa sa grade 4, naglalaro ako ng mga action figures ni panday at ng mga dragon ball z sinermonan naman ako na ang tanda ko na raw bakit naglalaro pa ako ng mga ganoong laruan. Kung minsan bata ako, minsan matanda. Kapag namatay ako ngayon siguradong ang mga tsismosa sa aming barangay ay sasabihan ako na ang bata ko raw natigok – subok na ito sa mga nadedong 20-30 years old, di naman ako pwedeng uminom ng gatas o yakult ng nakikita nila dahil bigla akong tatanda sa kanilang mga mata, “Ang tanda mo na umiinom ka pa niyan?”. Ngayon kung gusto mong mapatunayan kung bata ka pa o matanda na, sabihan lang ang driver ng “Eto po ang bayad, isang senior citizen!” kapag nagduda siya at hinanapan ka ng ID, dapat kang matuwa dahil bata ka pa sa mata ng driver na iyon.
You’re late again! Sampal na salita ng boss ko, habang tinitignan ang wall clock ng aming opisina. Late akong 40 minutes, sana meron ding “Late Begins at 40 minutes”. “Luluwas ka sa Manila ngayon may kukunin ka sa Recto.”. Mangangailangan ako ng mapa. Sa buong buhay ko hindi pa ako nakakapunta ng Manila, katapusan ko na ito, magiging taong grasa ako kapag naligaw.
Itutuloy... (March 6, 2010 – Part 2)
*Palabas dati sa ABS-CBN na ang bida ay si Tee Pee Takamiya
No comments:
Post a Comment