Friday, March 19, 2010

030810 - Chicken Sandwich ang tagapagligtas

Kulungan...
Isang guhit sa pader gamit ang uling na nasa ilalim ng tulugan ng isa sa mga rugby boys, simula na ng pagbibilang ng guhit, dalawa, tatlo, apat, lima, anim... 25, 26, 27...61, 62, 63...101,102,103... 500, 501, 502... 1438, 1439 at 1440, yan lahat ang nagawa kong guhit dahil 24 oras na ako dito. 1440 Minutes.
Welcome sa...
March 8, 2010
Isa na akong ganap na kriminal, bawas pogi points na sa pag-aapply ng trabaho dahil tumagal ako ng 24 oras sa kulungan, magpapatattoo na rin dapat ako ng mga i love you i love you, mga rosas na kupas at tiger tiger. Ang lagkit ng pakiramdam ko, parang normal lang, sanay naman akong lumalagkit. Mag-aalas-otso na wala pa rin akong dalaw. 9AM. 10AM. 11AM, “Tinawagan namin ang kumpanyang pinapasukan mo, pupunta raw dito mamaya ang boss mo para sa bail.”. Ngumiti na lang ako kahit hindi ko alam kung ano ang bail. 12PM dinalaw ako ni bangungot may dalang quarter pounder na kalahati at ibinigay sa akin, marahil iyon ang sinasabi nung pulis na bail. Nag-uusap si bangungot at yung chief at ilang sandali pa binuksan ng kontrabida ang kandadong kahit mga daga ay pwedeng ngatngatin. Ano ba ang sinasabi sa mga kriminal na lumalaya sa mga pelikula ni Rudy Fernandez? “Malaya ka na!”. ‘Di ko narinig yan nang binuksan ang panandalihang apartment ko. Hinatid ako ni bangungot sa bahay at pinaligo muna ako tapos diretso kami ng trabaho. Hindi nagsasalita si bangungot, 30 minutes sa loob ng kotseng kuba niya na walang naglalabas ng 26 letters sa aming bibig. Nakarating sa trabaho at diretso sa conference room. Siguradong kukunin niya sa akin ang baril na nasa kamay na ng mga pulis o kaya naman ay pagsasampalin ako at bubuhusan ng kumukulong mantika. “Salamat sa almusal!” yan ang unang salitang lumabas sa kanyang ilong habang nakatalikod sa akin. Umpisa na ng sermon pinipilosopo na niya ako. “Masarap ang sandwich na iyon!” dugtong pa niya. Delikado na siguradong ang susunod na tanong ay “Nasaan ang baril P.I. ka!?” Oo nga pala para sa ikalilinaw ng lahat ang P.I. ay isang salitang di dapat nakasulat sa kwentong ito dahil ayaw kong malagyan ng Putang Ina na salita ang talambuhay ko. Pero sasabihin ko na rin ang P.I. ay “Putang Ina”. Rephrase : “Nasaan ang baril Putang Ina ka!?”. Imahinasyon nanaman dahil ang kasunod na sinabi niya ay “Saan mo ba nabili iyon? Salamat Ahrean!”. Salamat daw sabi ng lintik na boss na ito. Salamat dahil nawala ko ang baril niya kapalit ang chicken sandwich?.
“Ang baril na pinakuha ko sa iyo ay nasa akin na lahat ng papeles kaya napalaya kita at kakilala ko ang mga pulis sa presintong iyon. Alam mo ba kung saan ko gagamitin ang baril na iyon? Gagamitin ko sana iyon para pasabugin ang ulo ko sa harap ng aking asawa, nakikipaghiwalay na kasi siya dahil di ko daw siya naalala puro trabaho na lang. Kahapon nang umuwi ako at kinatok siya sa kwarto at handa na akong magpakamatay sa harapan niya, binuksan ko sa harap niya ang sandwich na inaakala kong baril. Laking gulat niya nang makitang may dala akong sandwich at napaiyak siya dahil sa tuwa at sinabing “Hon nagbago ka na nga, pinaghanda mo pa ako ng almusal, naaalala mo na ako ngayon. Halika hati tayo!”. Naghati kami sa chicken sandwich na binigay mo at nakita naming pareho ang sarap ng buhay ng dahil sa sandwich na iyon, na-appreciate namin ang lasa at nalaman namin na kahit anong bagay na pinagsasaluhan ay nakakasaya ng damdamin at pwedeng bumuo ng nasirang pagsasama. Ok na kami! Hindi na siya nakikipaghiwalay. Gusto kong malaman kung sino ang gumawa ng sandwich na iyon, idala mo siya rito at magpapaturo ako. Salamat ulit Ahrean kung di dahil sa kapalpakan mo nilalamay na sana ako ngayon. Uminom tayo ng kape at magsalo tayo. Magmula ngayon ikaw na ang aking personal assistant at increase ko ang sahod mo ng 50%”.
Speechless ako kaya naman nagshare kami sa isang tasa ng kape ng di ko namamalayan na bawat sipsip niya sa tasa ay nabababad ang kanyang pustiso. Parang sa tagay-tagay sa inuman ng iisang baso lang ang ginagamit. Ang concept ng shot shot ay ibabad ang itaas na parte ng labi mo sa alak at inumin ang 95% tapos yung 5% na natira ay nasa baso pa rin kasama ang 44% ng tartar ng mga katagayan mo at ang 20% na laway nila. Nagkaroon kami ng bonding ni bangungot. Papalitan ko na ang pangalan niya magmula ngayon, magmula ngayon siya na si Chicken dahil nabuhay ng dahil sa chicken sandwich. Lumipas ang 7,200 seconds at dala ko na ang isang babaeng gumawa nung tagapagligtas na sandwich. “Bibigyan kita ng isang libong piso kung ituturo mo sa akin ang pagawa ng chicken sandwich.” Yabang ni Chicken sa babae. “Ay sir ipahawak niyo po muna ang 1000 bago ko sabihin.” Ganid na babae. Ibinigay naman ni Chicken ang 1000 at “Bili lang po kayo ng ladies choice mayonnaise at lagyan niyo ng strips ng manok, thank you po sir”. At naglahong parang bula ang isang libo para sa isang recipe na kahit ang mga langgam ay kayang gawin.
Natapos ang buong araw nang di gaanong inulan ng kamalasan ang buhay ko maliban lang sa buong umaga na naubos sa loob ng kulungan kasama ang mga rugby boys. Sarap ng tulog ko ngayong gabi dahil alam kong ang sahod ko ngayon ay makakabili na ng aquarium para sa pusa ng kapitbahay namin at dog food na puno ng ajinomoto para sa aso ni Ms. Nobody. Bibili rin siguro ako ng radyo na may built in sounds ng mga kanta ng Deicide at Cradle of Filth para mabawasan ang aking kasalanan sa Diyos.

030910 - Yuck! Eeew! Kadiri! Pweeeh!





No comments:

Post a Comment