Ang nakaraan...
Ginising ako ng ingay ng mga hinayupak na tsismoso at tsismosa, at nagsimula akong nagdadada tungkol sa paboritong sugal ni Erap.
Pagkatapos ng isang malaking pang-aabuso sa opisina ni Chicken umuwi akong hindi nakokonsensiya sa inubos kong kalahati ng 25 grams na kape at isang truck ng skyflakes.
March 12, 2010 – Part 2
Pinaglihi siguro ako sa Apple itouch dahil madali akong matouch sa mga taong natutulog sa kalye, madali rin akong mahabag kapag nakakakita ng mga matatandang namamalimos sa lansangan, nahahabag ako sa sarili ko hindi sa kanila. Minsan nga mas marami pa silang pera kaysa sa akin na may maayos na trabaho. Pinaglihi rin siguro si Reyna sa itouch dahil kahit sino na may pera natotouch siya, ako lang ang hindi dahil hindi ko ibibigay ang 250 pesos sa kanya ng dahil lang sa sinasabi niyang luto. “Ahrean, busted ka na! Pero di mo na ako kailangang ligawan, sa halagang 250 lang maipapatikim ko na sa iyo ang lutong langit!” yan ang huling sinabi niya sa akin ng sinubukan ko siya ulit ligawan. Ano siya mas mahal pa sa Litsong Manok ang luto niya? At di ko pa naririnig ang klase ng lutong iyon baka may lason pa. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa lihi-lihing yan dahil hindi naman ako kamukha ni Jackie Chan, pinaglihi daw kasi ako kay Dolphy. Para kasi sa akin si Dolphy at si Jackie Chan ay iisa. Isa pa ang dadaya nila, sinasabi nila kung saan tayo pinaglihi pagkatapos tayong isilang, mag-iisip sila kung anong klaseng bagay tayo pwedeng ikumpara at simula non doon na tayo pinaglihi. Dapat kung totoo iyon, sa tiyan pa lang doon nila sabihin kung anong klaseng aswang ang magiging anak. Paano na ang mga nagbubuntis ngayon? Medyo hi-tech na tayo ngayon kaya dapat ang mga susunod na generation ay puro pinaglihi sa mga makabagong teknolohiya o mga makabagong pagkain. Merong pinaglihi sa iPod, iPhone, Laptop, dual core, core 2 duo at iba pang mga gamit na sikat ngayon, medyo masagwa nga lang sa pagkain dahil tinitiyak kong hindi maganda kung pinaglihi ka sa sarsarap instant ulam, pinaglihi sa siomai, pinaglihi sa shawarma, pinaglihi sa tukneneng , pinaglihi sa el diablo at iba pang mga bagong pagkain.
Pagkatapos ng mahabang panahon nagkita rin ang dalawang magkumare sa jeep at halos magsampalan kung sino ang manglilibre ng bayad, “Hindi ito na! Hindi ito na!” ang systemang nakakasawa na sa jeep. Excited silang magkita kahit dalawang bahay lang ang pagitan nila sa isa’t-isa. May dalang sanggol si Kumare No. 1 at itong si Kumare No. 2 naman ay may dalang kasinungalingan dahil sa tinawag na cute ang sanggol na baby version ni Max Alvarado. “Pwera usog!”.
Usog – isang uri ng kapangyarihan ng mga Pilipino at Pilipina na kung saan pwedeng makatodas ng isang sakitin na sanggol, minsan sinasabi ring kahit hindi sanggol ay na-uusog rin. Wala ang ibang bansa ng ganitong klase ng kapangyarihan, tayo lang ang meron, wala nga lang tayong power rangers at voltes V. Siguradong 99% ng mga Pilipino ay alam kung ano ang usog kaya ‘di ko na palalawakin ang pagpapaliwanag tungkol dito, basta isa itong malaking kapangyarihan na biyaya ng Pituitary Gland. Swerte ang taong nagtataglay ng Usog Power dahil kaya niyang makasakit ng isang tao sa pamamagitan lang ng pagpuna, maswerte siya dahil hindi na niya kailangang gumanti ng physical sa bawat taong mananampal sa kanya, isang salita lang na “Ang pogi mo” o kahit anong pagpuna, tigok ang kaaway mo, mag-iingat lang dahil baka may pangontra ang kaaway at memorize ang isang orasyong pangontra rito “Pwera Usog!” ang katapat ng Usog Power. Kung hindi mo kayang i-memorize ang orasyong iyon kailangan mo lang magpa-dura sa mukha sa taong naka-usog sa iyo, kung mabait siya ipapahid na lang niya ang laway niya sa tiyan mo, kung panis ang kanyang laway bumili na kaagad ng trosid dahil buni ang resulta ng laway na iyon, kung sa sanggol naman dapat idala kaagad sa pinakamalapit na pedia ang bata dahil may dumapong mga bacteria sa balat niya galing sa laway ng nang-usog. ‘Yan ang usog, kaya matakot dapat ang ibang bansa sa atin.
Wala si Anime kaya naman mas malungkot pa sa sementeryo ang mga mata ko. Hindi tumagal ng isang oras ang kalungkutan ng aking mga mata dahil wala pa rin si Chicken. Maghapong pang-aabuso nanaman ang magaganap sa kanyang opisina.
NEXT
NEXT